Asin ang Lupang pinagpala….Magsasaka.
Thursday, June 8th, 2006
Paigtingin ang Pakikibakang Magbubukid para sa
Tunay na Reporma sa Lupa!
Hunyo 10,2006 ang ika-18 taong pagpapatupad ng kontra magsasaka,maka-panginoong maylupa at makadayuhang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) na pinapagpatuloy ng peke at pasistang rehimeng Arroyo.Walang kaparis sa nakaraan ang nararanasang kahirapan ngayon ng masang magbubukid.Lumawak pa ang pangangamkam at kumbersyon ng mga lupang sakahan sa ilalim ng panunungkulan ni Gloria Macapagal-Arroyo.Lalong tumindi ang iba’t ibang tipo ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala at pang-aapi sa hanay ng masang magbubukid.
Patuloy na ipinagkakait sa masang magsasaka ang lupa.Pinagpapatuloy ang pagpapatupad ng mga recycled na iskema sa sakahan tulad ng Corporative Scheme,Contract Growing at Agrarian Reform Communities(ARC’s) at pagtatayo ng mga agri-agro-business na lalo lamang nagpapatindi ng monopolyo ng mga malalaking panginoong maylupa,burgesya komprador at dayuhang korporasyon
Nagpatuloy at tumindi ang pagsasamantala sa masang magbubukid sa anyo ng mataas na upa sa lupa at kagamitan sa pagsasaka,mababang pasahod sa manggagawang bukid,usura at pambabarat sa presyo ng mga produktong agrikultural.Hindi natinag ang malalawak na lupaing pag-aari ng mga panginoong maylupa,debeloper at dayuhang korporasyon.Buhay na halimbawa ng monopolyo at pangangamkam ng lupa sa Nasugbu,Batangas ang 8,650 ektarya sa Hacienda Looc 7,183 ng Hacienda Roxas at 1,800 ng Hacienda Puyat."Trademark" na ng pagkansela sa mga inisyung Certificate of Land Ownership Award (CLOA)sa mga magsasaka upang "ligal"na kamkamin ang lupa at pagtayuan ng malalaking resort,golf courses,subdibisyon at pook pang-turismo.
Kinansela din ang CLOA ng 457 pamilya na umaabot sa 7,100 ektaryang lupain sa Hacienda Yulo sa Canlubang,Calamba City para gawing Commercial Residential at Golf courses.Kinakamkam din ng MWSS,kasabwat ang pamilya Lopez,ang 2,720 ektarya lupa sa Brgy.Macabud,Montalban,Rizal.Samantalang kontrolado naman ng pamilya ni Don Domingo Reyes ang mahigit 10,000 ektaryang lupain sa mga bayan ng Buenavista,San Narciso at San Andres,Quezon,sumasaklaw ng 2,000 ektarya ang Southern Luzon Coconut Oil Mill sa Mulanay Quezon;1,000 ektarya naman ng PLDT sa San Jose Occ.,Mindoro at 2,000 ektarya sa Balayan,Batangas na pagtatayuan ng San Miguel Corp.
Nariyan din ang dayuhang pagmimina na sasaid sa likas na yaman mineral at lilikha ng matinding kapinsalaan sa mga magsasaka at katutubo. Ilan dito ang 9,720 ektaryang lupain sa Victoria at Sablayan Mindoro na miminahin ng Crew Mining Corp Nickel at cement naman ang miminahin ng Rio-Tuba Mining Corp sa 16,000 ektarya sa mga bayan ng Bataraza at Abortan sa Palawan.Nakaamba din ang pagpapalubog sa 7 barangay ng Tanay,Rizal at isang baryo ng Gen.Nakar Quezon sa itatayong Laiban Dam.Ang sitwasyong ito ay higit na palalalain ng CHACHA na magpapahintulot sa mga dayuhan na magmay-ari ng 100% ng lupain sa bansa.
Sadyang terorista,ganid,sobrang kasibaan at kapit tuko ang rehimeng Arroyo.Gamit ang ulol at uhaw sa dugo na berdugong militar,patuloy itong naghahasik ng takot at terror sa hanay ng masang anakpawis.Ang mga magsasakang lumalaban ay sinasampahan ng gawa-gawang kaso tulad ng Tagaytay 5 (na dinukot at ipiniit noong Abril 27) at 25 iba pang mga bilanggong pulitikal.Upang patahimikin ang lumalabang magsasaka,sukdulang patayin ang mga lider aktibista sa Timog Katagalugan. Umaabot na sa 136 ang pinaslang sa rehiyon simula ng maupo sa poder si Arroyo.
Iisa lang ang landas para makamit ang tunay na reporma sa lupa,hustisya at pagbabago sa ating bayan.Buong giting nating labanan ang pangangamkam at pagpapalit-gamit sa lupa,papatinding pandarahas at pampulitikang panunupil ng nalalapit ng bumagsak na estado ng dayuhan.Wakasan ang pekeng rehimeng US-Macapagal Arroyo at pagbayarin ito sa mga inutang na dugo sa magsasaka at mamamayang Pilipino.
June 9,2006
Binuwag ng mga berdugong pulis ang mapayapang kilos protesta ng mga magsasaka sa Mendiola kasama ng ibat ibang organisasyon na nagsusulong ng Lupa,Sahod,Trabaho at Karapatan ng mga mamamayan.Muling ginamitan ng dahas at walang habas na pinaghahagupit ng trancheon ng mga pulis ang mga kasama at tuluyang binuwag ang hanay.Marami ang nasaktan at nasugatan,pero hindi ito nakapag-pahina sa bawat isang magsasaka na patuloy na dumadanas ng kalupitan sa militar at patuloy na naghihirap sa gobyerno ng rehimeng Arroyo,bagkos silay maninindigan at patuloy na lalaban hanggang tagumpay,Makibaka huwag matakot!!!!!
Wakasan ang Rehimeng US-Macapagal Arroyo!
Itigil ang Militarisasyon sa Kanayunan!
Katarungan sa lahat ng Biktima ng Terorismo ng Estado!
Ipaglaban ang Tunay na Reporma sa Lupa at Pambansang Industriyalisasyon!
Makibaka para sa Pambansang Kalayaan at Demokrasya!
KASAMA-TK
Kalipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan




